Wala po sana akong lahok para sa linggong ito dahil ang kasal ay isang bagay na nagiging dahilan upang ako ay malungkot. At pasensiya na kung magiging madamdamin ang akda ko para sa linggong ito.
Di naman po ako yung tipo na bata pa lang ay nangangarap nang magpakasal at hindi din naman po ako nangangarap ng isang engrandeng kasal. Dumating lang ang taong mamahalin ako ay sobrang ikakasaya ko na habang ako ay nabubuhay. O ang drama diba?
Kung ako ay bibigyan ng pagkakataon, ang gusto kong kasal ay simple lamang. Gusto ko ay sa tabing dagat o sa isang lugar na napapaligiran ng mga puno, at kung napanood niyo ang pelikula ni Kevin Costner na Robin Hood, gusto ko yung parang katulad ng kasal niya doon na maraming nahuhulog na mga dahon. Ayoko din ng pormal na kasalan. Gusto ko ay komportable ang mga dadalo sa aking kasal at kung sa tabing dagat ay gusto kong naka tsinelas o nakapaa ang mga tao. Gusto ko din ng mga dekorasyong isda sa aking keyk at ang dekorasyon sa mga mesa ay isang “fish bowl” na pwedeng iuwi ng mga bisita. Gusto ko din na ang mga bulaklak ay lilies at ang mga imbitasyon at favors ay ako ang gagawa. O diba sabi ko nga simple lang?
At isang tao lang ang gusto kong makasama habambuhay! Haha! Kung inyong nababasa itong aking blag ay marahil may ideya na kayo kung sino ang taong iyon, malungkot lamang dahil hindi ganon ang tingin niya sa akin at ako ay itinuturing lamang niya bilang isang kaibigan. Tinanggap ko naman na yon at minsan ay umaasa pa din ako na merong dadating sa king buhay na lalamangan siya at tutulungan akong kalimutan siya. Sa ngayon ang tanging pangarap ko na lang ay makakilala ng isang tao na magmamahal sa akin sa kung sino at ano man ako…. pero malungkot man isipin ay nawawalan na ko ng pag-asa at tinatanggap ko na na marahil ay nakatakda talaga akong maging mag-isa sa buhay. Kaya eto, hanggang pangarap at panaginip na lang ako.
O siya, tama na ang drama! Para sa aking lahok ngayong linggong ito ay kinunan ko ang mga pahina ng isang aklat na aking binili dati para pagkunan ng inspirasyon para sa aking trabaho. Tuwing may bisita ako sa aking kwarto at nakikita ko ang aklat na ito sa aking bookshelf ay natatawa ako sa aking sarili. Naisip ko na baka isipin ng aking mga bisita na kaya ko ito binili ay dahil gusto ko nang magpakasal. Haha! Sana ay magustuhan niyo ang lahok ko ngayong linggong ito. Maligayang LP mga kaibigan!






8 responses
Do you want to comment?
Comments RSS and TrackBack Identifier URI ?
Trackbacks